Magandang araw sa inyong lahat! Gusto kong
ibahagi sa inyong lahat, na nasa silid na ito kung sino ang ''Tunay na Bayani''
para sa akin. Bayani ko, na para sa iba ay hindi naman karapat dapat tawagin na
bayani. Bayani, na nakapag-antig sa aking damdamin bilang isang estudyante. Bayani
na sana'y bigyang pansin din natin. Sino ba sila? Ano ang posisyon nila sa lipunan? at
bakit ko sila tinuring na mga bayani?
Overseas Filipino Workers o mas kilala
bilang OFW. Sila ang mga taong nagkakayod kalabaw sa ibang bansa upang
matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas. Sila
ang nagsasakripisyo sa loob ng ilang taon upang magkaroon ng perang ipapadala
sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas. Ayon sa aking pananaliksik mayroong
15 milyong manggagawang Pilipino ang nasa labas ng bansa at humigit kumulang 6
na libong OFW ang umaalis sa bansa araw araw. Ayon sa DFA o Department of
Foreign Affairs mayroong 92 OFW ang nasa binit ng kamatayan at 3,800 naman ang
nakakulong. At sa ilalim ng pamumuno ni Presidente Aquino may 7 OFW na ang
pinatay dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ang pagiging OFW ay hindi madali dahil
kailangan nilang magtipid upang maipadala ang mga pera sa kanilang mga pamilya.
Minsan ang iba ay hindi kumakain sa tamang oras upang makapag ipon ng pera. May
mga pagkakataon din na nangungulila sila sa kanilang pamilya. Kung ikaw ay OFW,
mag-isa kang haharap sa buhay sa ibang bansa, ikaw ang kikilos para sa iyong
sarili. Kung sakali man na magkakasakit ka, walang mag-aalaga sa iyo na mahal
mo sa buhay, kaya kailangan mong ingatan ang iyong sarili at tiisin lahat ng
sakit na nararamdaman.
Akala
ng ibang tao kung mangingibang bansa sila uunlad ang kanilang buhay, hindi na
sila maghihirap at mas magiging madali ang lahat. Pero hindi naman lahat ay
magiging masaya sa huli dahil may mga OFW na naloloko ng mga pekeng ahensya,
minamaltrato ng kanilang mga amo, at minsan ay napagbibintangan na magnanakaw o
di kaya nagdala ng droga. May mga nakulong at namatay na dahil dito. Minsan
naman kulang ang sahod na binibigay sa kanila. Ilan lang ito sa mga rason kung
bakit umuuwing luhaan ang mga OFW. Sa kabila nito, marami pa rin ang umaalis ng
bansa at nagbabakasakali na matanggap sa trabaho at kumita ng malaki. At may
mga tao talaga na sadyang pinagpala ng Panginoon dahil ang kanilang buhay ay
mas napabuti nang sila ay nangibang bansa. Ang iba naman sa sobrang sipag at
tiyaga ay nagiging mataas na opisyal mula sa ordinaryong empleyado. Ito ang
rason kung bakit nila nadadala ang kanilang pamilya sa ibang bansa at doon
manirahan.
May
mga nakapagsabi naman na walang puso ang mga OFW dahil may trabaho naman dito
sa bansa ngunit sa ibang bansa talaga nila gustong magtrabaho at mas napapalayo
sila sa kanilang pamilya. May mga tao rin na mababa ang tingin sa kanila dahil
daw desperado ang mga OFW na makahanap ng trabaho. Sila ba talaga ang walang
puso? Walang puso ba ang magsakripisyo at magtiis para sa pamilya at mahal sa
buhay? Desperado ba ang tawag sa mga taong nagkakayod kalabaw upang makatanggap
ng mataas na sahod para sa kanilang pamilya? Kung tutuusin mas mabuti na lang
nga mga OFW dahil sila ay may marangal na trabaho, hindi katulad ng iba na
gumagawa ng krimen upang magkaroon ng pera.
May kilala ako na OFW, siya ay isang
mandaragat na enhinyero at siya ay naglayag mula dekada 90. Nakapagtrabaho sa
iba't ibang klase ng barko, mula kargo hanggang tangker. Siya ay ang aking ama,
ayon sa kanya ''Bilang OFW dapat matibay ang loob na malayo sa pamilya, tiisin
na mawalay sa mahal sa buhay ng mahabang panahon at tiisin lahat ng hirap sa
trabaho kapalit ang pera para sa pamilya.'' At sabi din niya na sa kanyang
karanasan ''Maraming kamag-anak ang OFW pag may pera siya, pero kung ubos na
ang kanyang pera, ang mga kamag-anak niya ay naglalaho na parang bula.''
Sa loob ng 15 taon kong nabuhay dito sa
mundo, mabibilang ko lang sa kamay ko ang mga panahon na nariyan ang aking ama
sa kaarawan ko, tuwing Pasko at tuwing Bagong Taon. Naalala ko nga noong
panahon na ako'y kailangang operahan sa puso, wala siya sa tabi ko, wala ang
hari sa buhay ko, wala akong kasangga, wala akong pipingutin sa taenga kapag
masakit ang tinurok sa akin. Wala rin ang ama ko noong pinanganak ang dalawa
kong kapatid. Wala ang ama ko noong ako ay nakapagtapos sa elementarya. Ang ama
ko ay naroon sa dagat, naghihirap at nagsasakripisyo para mapaaral ako sa isang
prestihiyosong paaralan at nagtatrabaho upang maibigay ang aking mga
pangangailangan.
Kung tutuusin madali ang buhay nila dahil
sila ay may trabaho, pero hindi natin alam na mahirap pala. Marami sila na
nakikipagsapalaran parin hanggang ngayon upang makatulong sa pamilya. Nawa'y ipagdasal natin silang lahat na sumasabak sa hamon ng buhay sa ibang bansa. Saludo
ako sa mga OFW at sila ay tinuturing ko na "Tunay na Bayani" dahil
sila ay nagtitiis, naghihirap at nagsasakripisyo para sa kanilang mga pamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento